BOMBO DAGUPAN — Inihayag ng Department of Home Affairs ng Australia na nakikipagtulungan ito sa Ticketmaster matapos ang alegasyon na ninakaw ng mga hackers ang personal details ng mahigit kalahating bilyong mga customer.
Naglabas umano ng pahayag ang ShinyHunters hacking group na humihingi ng ransom na aabot sa $500,000 upang maiwasan ang pagkalat at pagbebenta ng mga nasabing impormasyon sa ibang mga party.
Sinabi naman ng Australia na may kamalayan ito kaugnay sa hacking incident at nakikipagtulungan na sa Ticketmaster upang matukoy kung paano ito nangyari.
Gayunpaman, hindi pa naman kinukumpirma ng Ticketmaster—isang American website at isa sa pinakamalaking online ticket sales platform sa buong mundo—kung ito nga ba ay nakaranas ng security breach.
Ayon sa lumabas na mga ulat, nakakuha umano ang grupo ng mga hacker ng access sa mga pangalan, address, phone number, at partial payment details ng nasa 560 milyong mga Ticketmaster customers sa buong mundo.
Nagpaabot naman ng tulong ang FBI sa Australian authorities ayon sa US embassy spokesperson.
Ang ShinyHunters hacking group ay nauugnay din sa ilang mga serye ng high-profile data breaches na nagresulta sa pagkawala ng milyoun-milyong mga dolyar ng mga nabiktima nilang mga kompanya.