Hinimok ni Atty. Levito ‘Levy’ Baligod ang Department of Justice na mag-inhibit at ibasura lahat ng mga reklamong ‘libel’ at ‘cyber-libel’ na isinampa laban sa kanila.

Sa panayam sa naturang abogado ng labing-walong dating bodyguards ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kanyang inihayag na dapat mag-inhibit ang kagawaran sa mga reklamong kanilang kinakaharap.

Paliwanag ni Atty. Levito Baligod na ito’y dahil sa nagpapatuloy na aniyang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa kaparehong kaso.

--Ads--

Pingangambahan daw kasi rito na magkaroon ng magkaibang resolusyon o ‘conflicting decisions’ gayon ‘co-equal bodies’ ang Ombudsman at Department of Justice.

Naniniwala siyang ang paggamit umano ng tanod-bayan sa isinumiteng ‘joint affidavit’ noong Pebrero ay nagpapakita na may katotohanan ang mga isiniwalat ng nagpapakilala rin mga dating sundalo.

Kung kaya’t giit ni Atty. Baligod na hindi tutugma ang reklamo ng ilan na hindi totoo ang salaysay ng mga dating bodyguards ng puganteng mambabatas.

Alinsunod dito’y hiling ng abogado na ipaubaya na lamang sa Office of the Ombudsman ang pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Sa kasalukuyan, wala pang bagong pahayag o anumang kumento ibinabahagi ang Office of the Ombudsman patungkol sa mga sinabi ni Atty. Baligod.

Habang ibinahagi naman ng abogado na siyam nang dating sundalo ang nakapanayam o na-interview ng tanod-bayan may kinalaman sa pag-iimbestiga ng kanilang mga alegasyon.

Magugunitang ang naturang grupo, base sa kanilang mga pahayag ay nagsiwalat ng mga rebelasyon hinggil sa pagtanggap ng mga pinangalanan indibidwal at opisyal ng male-maletang may laman umanong pera.

Matapos nito’y sila’y kaliwa’t kanan sinampahan ng mga reklamong ‘libel’ at ‘cyber-libel’ kasunod sa pagsasapubliko ng kanilang salaysay o mga alegasyon.

Muli naman tiniyak ng abogado ang kanilang pagdalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, pinangungunahan ni Sen. Erwin Tulfo para sa imbestigasyon ng maanomalyang ‘infrastructure projects’ ng pamahalaan.