Aminado si Atasha Muhlach na may mga pagkakataong naaapektuhan siya ng kaliwa’t kanang batikos na natatanggap niya sa social media.
Mula sa panaka-nakang pambabash sa kanya, mas lalo itong dumami nang opisyal na isapubliko ng Viva Artists Agency, noong buwan ng Hulyo na si Atasha ang bibida sa comedy play na Bongga Ka Day! The Annie Batungbakal Musical: Based on the Songs of HOTDOG.
MMy mga nagduda sa pagkakapili kay Atasha para gampanan ang iconic role ni Annie Batungbakal.
May ilan ding nag-akusang ginamit umano ng dalaga ang koneksiyon ng kanyang pamilya para makuha ang naturang role.
Bagay na mabilis na pinabulaanan ng talent agency niyang Viva Artist nang ilabas nila sa social media ang video clip ng pagsabak sa audition ni Atasha para sa nasabing role.
Noong August 8, muling naging usap-usapan online si Atasha nang mag-perform siya sa HOTDOG Tribute Concert sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay City.
Sa ilan sa mga video na kumalat online, makikitang inaawit at sinasayaw ng isa sa mga anak nina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez ang ilan sa mga iconic na kanta ng HOTDOG, gaya ng “Pers Lab” at “Annie Batungbakal.”
Pinuna ng ilang netizens ang kanyang performance dahil matigas umano ang kanyang mga galaw at nanginginig ang kanyang boses habang kumakanta.
Tanong ng ilan ay kung handa ba si Atasha para sa iconic role, lalo na’t malayong-malayo raw siya sa dating pagganap ni National Artist Nora Aunor bilang Annie Batungbakal.
Matatandaan na ginampanan ni Nora ang title role sa musical comedy films na Annie Batungbakal at Bongga Ka ‘Day! noong 1980.




