Dagupan City – Opisyal na binuksan ang Accelerating Salt Research and Innovation Center (ASIN Center) sa Pangasinan State University (PSU) Binmaley Campus ngayong araw Pebrero 17, 2026.
Ito ang kauna-unahang Research & Development Center para sa asin sa bansa ay naglalayong buhayin ang industriya ng asin sa Pangasinan at ng Pilipinas para makamit ang national self-sufficiency.
Itinatag ang ASIN Center sa ilalim ng Niche Centers in the Regions for Research and Development (NICER) Program ng Department of Science and Technology (DOST), na may pondong ₱93 milyon habang ₱22 milyon naman ay mula sa PSU para sa Building.
Kaugnay nito, inaasahan na ang ASIN R&D Center ay magbibigay ng research capacity at modern technology upang masiguro ang sariling supply ng asin, palakasin ang kabuhayan ng mga lokal, at paunlarin ang industriya.
Suportado rin ang ASIN Center ng Republic Act (RA) No. 11985, o ang Philippine Salt Industry Development Act, na naglalayong palakasin ang industriya sa pamamagitan ng paggamit ng makinarya at modernong teknolohiya.
May tatlong dibisyon ang ASIN Center: Membrane Science and Separation Technology Division, Salt Division, at Process Design and Engineering Division, na pawang may advanced equipment para sa applied research.
Magbibigay ang sentro ng suporta at tutugunan ang mga pangangailangan ng lokal na industriya sa pamamagitan ng research and development, salt testing facilities, technical consultancy, human resource development, at S&T promotion.
Binigyang-diin ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang kahalagahan ng kolaborasyon sa pagitan ng gobyerno, akademya, lokal na pamahalaan, at industriya ng asin upang mapaunlad ang sektor na ito sa Pilipinas.
Inamin ni Solidum na matagal nang umaasa ang Pilipinas sa imported salt, kung saan 93% ng supply ay galing sa ibang bansa.
Upang matugunan ang mga hamon tulad ng limitadong salt farms, pagtanda ng mga magsasaka, at mga isyu sa kalidad, kinakailangan ang makabagong teknolohiya at suporta upang mapalakas ang lokal na produksyon.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Elbert Galas, University President ng Pangasinan State University (PSU), ang kahalagahan ng ASIN Center bilang sentro ng pagsasaliksik at paggunita sa pamana ng asin sa Pangasinan.
Nagpapakita ito kung ano ang kayang gawin kapag nagtagpo ang national research agenda at ang lokal na pamana.
Ito rin ay sumasalamin sa bisyon ng PSU na maging industry-driven institution at ang misyon nitong itaguyod ang inclusive growth sa pamamagitan ng instruksyon, pananaliksik, extension, at produksyon.
Ibinahagi naman ni Galas na ang pangalang Pangasinan ay nagmula sa salitang “asin,” na nagpapakita ng malalim na koneksyon ng lalawigan sa produksyon ng asin.
Layunin naman na PSU na makamit ang national salt self-sufficiency, palakasin ang mga komunidad na gumagawa ng asin, at mag-ambag sa pangmatagalang economic resilience ng Pilipinas.









