Nahuli na ang lalaking tumadyak sa sikmura at sumipa sa ulo ng isang 65-anyos na lolang Filipino-American sa New York, USA.

Kaya naman halong tuwa at poot ang nararamdaman ng mga kababayan nating Filipino hinggil sa panibagong kaguluhang umusbong patungkol pa rin sa Asian hate crimes.

Sa ekslusibong pahayag ni Bombo Radyo Dagupan – International Correspondent JoAnn Fields mula sa San Diego, California, miyembro ng Asian-American community, sa ngayon ay nais naman nilang makitang maiatang ang hustisiya sa korte laban sa nadakip nang suspek.

--Ads--

Sa kasalukuyan ay iniinda pa rin ng naturang lola ang mga tinamong sugat sa nangyaring biglaang pag-atake sa kaniya habang ito ay naglalakad sa harapan ng isang pamilihan.

Voice of BINC JoAnn Fields

Kaugnay nito ay nais din nilang bigyang tuon ang mga staff ng nasambit na pamilihan na batay sa CCTV footage ay pinanood lamang, at ni hindi nag-atubili ang mga itong tulungan ang biktima, sabay nang pagsasara pa umano nila ng pinto at hindi pag-tawag sa 911 upang i-report ang insidente.

“When you see something, say something. You have to help”, dagdag ni Fields.

Sa ngayon ay sinuspinde na ng may-ari ng pamilihan ang nabanggit na mga staff.

Ani Fields, upang matigil na ang ganitong karahasan sa mga Asian-American ay kailangang mas ipatupad ang mga batas na proprotekta sa kanila.

Matatandaang ayon sa New York Police Deparment, alas-2:00 ng madaling araw (oras sa America) nang maaresto nila ang 38-anyos na si Brandon Elliot.

Kinasuhan ito ng hate crime at attempted assault.

Nabatid na si Elliot ay nakatira sa isang homeless shelter malapit sa Times Square sa Manhattan, New York City, ang lugar kung saan nakasalubong niya ang Pilipinang biktima.

Sa video na naka-post sa Twitter account na New York Police District News, makikita ang biktima na naglalakad nang sipain siya sa sikmura ng salarin.

Natumba ang biktima at ilang beses pa siyang tinadyakan sa ulo bago umalis ang lalaki.