Dumalo ngayong araw ilang mananampalatayang Katoliko sa St. John the Evangelist Cathedral sa Dagupan City upang makibahagi sa pagdiriwang ng Ash Wednesday, na naghuhudyat ng simula ng Kuwaresma.

Maraming mananampalataya ang tumanggap ng abo sa noo bilang simbolo ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos.

Pinangunahan ni Father Manuel Bravo Jr. ang unang misa ngayong umaga kung saan binigyang-diin nito sa kanyang homilya ang kahalagahan ng Kuwaresma bilang panahon ng pagdarasal, pag-aayuno, at pagkakawanggawa.

--Ads--

Hinikayat niya ang mga mananampalataya na gamitin ang panahong ito upang magnilay at magbagong-buhay.

Kaugnay nito, ipinaliwanag naman ni Fr. Reggie Zamora na nagsisilbing paalala ang Ash Wednesday na ang Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob sa Diyos, kaya’t kanyang hinihimok ang lahat na maglaan ng panahon para sa pagkukumpisal.

Ipinaliwanag niya na ang paglalagay ng abo sa noo ay may kasamang panawagan na “repent and believe in the gospel,” at ang pagkukumpisal ang pinakamabisang paraan upang maisakatuparan ito.

Sa kabilang banda, taun-taon nang nakikiisa si Danny Malinao sa pagdiriwang ng Ash Wednesday sa katedral.

Ibinahagi niya na mahalaga ang araw na ito dahil nagpapaalala ito ng ating mortalidad.

Naalala rin niya ang sermon tungkol sa tatlong sikreto ng Panginoon pag-aayuno, pagdarasal, at pagkakawanggawa, na dapat isagawa hindi lamang tuwing Kuwaresma, kundi sa buong buhay.