Binigyang linaw ni Renato Solidum, director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na hindi delikado ang ash plume mula sa nag-aalburotong Fukutoku-Oka-no-ba submarine volcano sa Japan na napaulat na umaabot na sa ilang bahagi ng Northern Luzon partikular sa Pangasinan.
Ayon sa initial na ulat ang Sulfur Dioxide (SO2) levels sa ilang bahagi ng Luzon ay kasalukuyang mataas dahil sa aktibidad sa may Taal Volcano at Submarine Volcano sa Fukutoku-Okanoba sa bansang Japan.
Pero paliwanag ni Solidum, walang epekto sa mga tao dahil nasa mahigit limang kilometro ang taas ito at hindi bumabagsak kaya hindi ito malalasap ng mga tao.
Masyadong malayo ang Pilipinas sa Japan at hindi malakas ang eruption ng nasabing bulkan.
Depende umano sa pagsabog nito kung ang hangin ay papuntang Kanluran ay pwedeng umabot aniya sa southeast Asia.
Giit ni Solidum na ang binabalaan dito ay mga eroplano dahil sila ang nasa taas na puwedeng maapektuhan.