Dagupan City – Nanawagan ang asawa ng 32-anyos na nawawalang mangingisda sa bayan ng Agno, Pangasinan ng agarang tulong sa pamahalaan para sa mas mabilisang paghahanap.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jesielyn Abalos, asawa ng nawawalang mangingisda na kinilalang si Dexter Abalos residente ng Brgy. Aloleng sa nasabing bayan.
Dakong alas-3 ng hapon noong marso 6 nang umalis ang kaniyang asawa para sana mangisda sa bahagi ng West Philippine Sea at nakatakda naman itong bumalik noong huwebes ng hapon ngunit hindi na ito nakabalik pa.
Kung kaya’t gano’n na lamang ang pangamba ng kaniyang pamilya partikular na ang dalawang anak nitong 4 taong gulang at 11 taong gulang pa lamang dahil 3 na araw na itong hindi nakikita.
Pagsasalaysay naman aniya ng mga kasamahan na mangingisda ni Dexter na kasabay nitong pumalaot, magkakasama pa sila dakong hapon sa nasabing araw ngunit nang sumapit ang gabi ay hindi na nila ito kasama.
Sa kasalukuyan ay pinaghahanap pa rin ang kaniyang asawa ng mga kasamahan nitong mangisngisda katuwang ang Loocal Government Unit ng Agno at mga Coast Guard ng Bolinao.
Panawagan naman nito sa Philippine Coast Guard at Philippine Navy, magpadala ng mga kagamitan partikular na ang ipinangakong helicopter para sa mas mabilis na paghahanap sa kaniyang asawa.