Mga kabombo! Isa ka rin ba sa mga nabibiktima at nadadala ang damdamin kapag kausap si ‘Chat GPT’?
Eh paano na lang kung ito pala ang magiging rason kung bakit kayo maghihiwalay ng iyung kasintahan?
Ito kasi ang nangyari sa isang babae sa Greece matapos na magdesisyong makipaghiwalay sa kanyang mister dahil sa “hinulaan” ng ChatGPT na nambababae ito.
Ayon sa ulat, sinubukan umano ng babae ang nauusong social media trend kung saan ipinapabasa sa ChatGPT ang mga natirang coffee grounds sa tasa bilang isang modernong bersiyon ng Tasseography.
Ang Tasseography ay isang sinaunang pamamaraan ng panghuhula o divination gamit ang mga latak ng inumin tulad ng kape, tsaa, o alak sa isang tasa.
Dahil dito, nagtimpla ng kape ang misis para sa kanilang mag-asawa, kinuhanan ng litrato ang mga tasa, at ipinakunsulta ito sa ChatGPT para i-analyze at hulaan.
Hanggang sa nagulat na lamang ang babae nang sabihin ng chatbot na ang kanyang asawa ay nagkakaroon ng relasyon sa isang misteryosong babae na nagsisimula sa letrang “E.”
Sinabi pa umano ng ChatGPT, na ang babaeng ito ay may intensiyong sirain ang kanilang pamilya.
Sa naging panayam naman sa mister nito sa isang programa, ibinahagi niya ang pagkabigla sa ginawang aksiyon ng kanyang asawa.
Aniya, tinawanan na lamang niya ito dahil wala namang katotohanan. At ito pa mismo ang naging sanhi kung bakit pinaalis siya sa bahay.
Ngunit lingid sa kaniyang kaalaman, hindi pala nagbibiro ang misis dahil, sineryoso niya ang hula ng ‘chat gpt’ kung kaya’t kahit pa tumanggi sa hiwalayan, natanggap niya ang divorce papers makalipas lamang ang tatlong araw.
Plano ng kanyang abogado na labanan ang kaso dahil ang akusasyon na nagmula lamang sa isang AI chatbot ay walang legal na basehan at inosente ang kanyang kliyente.