Kampante ang National Aeronautics and Space Administration (NASA) na lagpas pa sa expectation ang nagawa ng Artemis II mission.
Ito ay kasunod ng matagumpay na misyon ng naturang spacecraft, sakay ang apat na batikang astronaut.
Ayon kay NASA Associate Administrator Amit Kshatriya, lagpas pa sa inaasahan ang nagawa at napagtagumpayan ng bagong misyon, matapos nitong magawang ikutan ang buwan at kumuha ng mahahalagang larawan para magamit sa mga susunod pang space ezploration mission.
Maging ang maayos at ‘perfect’ splashdown ng capsule na kinalululanan ng apat na astronaut ay lagpas din sa inaasahan ng space agency.
Aminado ang opisyal na masyado pang maaga upang i-assess ang kabuuang output ng mission ngunit tiniyak nitong maraming nagawa ang Artemis II na lagpas sa expectation ng publiko, at ng buong NASA.
Ayon pa kay Kshatriya, ang matagumpay na misyon ay isang regalo ng NASA sa buong mundo.
Ito ay patunay aniya na ang pagtutulungan ng bawat isa ay daan para makagawa ng malalaki at matagumpay na proyekto na maaaring ipagmalaki sa buong mundo.
Umaasa rin ang NASA Associate Administrator na maging inspirasyon ito sa mga kabataan, scientist, at mga engineer upang lalo pang pag-igbayuhin ang pagtatrabaho para sa ikabubuti ng agham, teknolohiya, at ng sangkatauhan.










