Naniniwala si Prof. Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, na nais ipakita ng administrasyong Marcos na patas at walang pinipiling tao ang pagpapatupad ng batas, partikular sa mga usapin ng korapsyon.

Kaugnay ito sa paglabas ng Sandiganbayan ng warrant of arrest laban kay dating House Speaker at Leyte First District Representative Martin Romualdez dahil sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga flood control project.

Ayon kay Simbulan, matagal nang hinihintay ng taumbayan ang ganitong hakbang, lalo na sa gitna ng mga imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng pamahalaan.

--Ads--

Aniya, nais ipakita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na maging ang kanyang mga kamag-anak ay maaaring managot kapag nasasangkot sa mga alegasyon ng katiwalian, kabilang na ang kanyang pinsang si Romualdez.

Samantala, sinabi ni Simbulan na mabigat umano ang mga ebidensiyang iniharap laban kay Romualdez, dahilan upang lumitaw ang posibilidad na hindi lamang ang kasalukuyang kaso ang haharapin nito.

Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na maaaring magkaroon pa ng iba pang kasong ihain laban kay Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.