BOMBO DAGUPAN- Nakamit ang kalayaan ng bansang Pilipinas dahil sa tapang ng mga Pilipino mula sa kamay ng mga mananakop sa loob ng 333 na taon.
Gayunpaman, sinabi ni Kevin Conrad Ibasco, History Instructor ng Pangasinan State University Urdaneta City Campus, sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, na may mga ibang aspeto pa din na hindi malaya ang bansa, kabilang na ang diskriminasyon.
Sinabi din niya, mandato man sa mga mamamayan ng isang bansa sumunod sa batas, parte pa din sa kalayaan ng bawat isa ang magkaroon ng boses upang maging katuwang ng gobyerno sa pagpapaganda at pagsasaayos ng umiiral na batas.
Subalit, kung ikukumpara ang pangyayari noon, mas malaya ang bansa ngayon dahil sa paglaban ng mga bayani ng Pilipinas laban sa mga mananakop.
Samanatala, dapat inaalala aniya ng mga kabataan ang mga naging kaganapan sa kasaysayan sa tuwing araw ng kalayaan.
Kabilang na dito ang makasaysayang pagtaas ng watawat ng Pilipinas sa Cavite bilang paglaya ng bansa sa kamay ng mga mananakop.
Aniya, ang araw ng kalayaan ay isang palatandaan ng katapangan ng mga Pilipino, partikular na ang ating mga bayani, upang ipaglaban ang inaasam na kalayaan.
Kaya, magsisilbi aniya itong inspirasyon sa mga kabataan upang maipakita ang pagmamahal ng mga bayani sa ating bansa.
Saad din ni Ibasco, mas mabuting hindi lamang minemememorya ang pag-aaral ng kasaysayan ngunit kailan tignan ang kahalagahan ng bawat pangyayari at epekto nito sa kasalukuyan.
Pinaalalahanan naman niya ang mga kabataan na patuloy lang magbasa at manaliksik sa kasaysayan at ibahagi ito sa susunod na henerasyon.