DAGUPAN CITY– Napag-usapan na ang pagtatatag ng Economic Zone areas sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sec. Raul Lambino, Presidential Adviser for Northern Luzon, at siya ring Administrator & CEO ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), hinihintay na lamang umano ang approval mula sa opisina ng Pangulong Rodrigo Duterte sa unang itatayong Economic Zone o Industrial Park sa bayan ng Binalonan na siyang inisyal na makakapagbigay ng nasa 12,000 trabaho.
Tukoy na ang lugar kaya’t naisagawa na rin ang groundbreaking, dalawang linggo na ang nakararaan.
Inaasahan umano itong maumpisahan sa unang bahagi ng susunod na taon.
Binigyang diin din ni Lambino na ito ay isang private funding at isang Japanese Corporation ang inaasahang unang kompanyang papasok sa lalawigan na siyang magbubukas ng nabanggit na dami ng oportunidad o trabaho sa lalawigan.
Bukod sa nasambit na probinsiya ay kasama ring tutulungang makapagpatayo ng Economic Zone ang lalawigan ng La Union.