Inatasan ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang defense counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magsumite ng kanilang apela hinggil sa kanyang patuloy na pagkakakulong bago ang itinakdang petsa na Pebrero 5.

Ang kautusang ito ay sumusunod matapos magsampa ng notice ang kampo ni Duterte sa ICC Appeals Chamber, na humihiling na baligtarin ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I hinggil sa kanyang detensyon.

Si Duterte ay nahaharap sa mga kasong crimes against humanity sa ICC, kabilang ang murder at attempted murder, kaugnay ng mga pagkamatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra-droga noong siya ay Pangulo at alkalde ng Lungsod ng Davao.

--Ads--

Sa kasalukuyan, siya ay nakakulong sa penitentiary sa The Hague.

Sa isang dokumentong may anim na pahina na may petsang Enero 28, humiling ang kampo ni Duterte ng agarang pansamantalang pagpapalaya sa kanya sa ilalim ng mga kondisyon na ipapataw ng isang estado na kasapi sa ICC.

Dagdag pa rito, sinabi ng appeals chamber na ang Deputy Prosecutor at mga Legal Representatives ng mga Biktima ay maaaring magsumite ng kanilang tugon sa apela na hindi hihigit sa 20 pahina bago ang Huwebes, 12 Pebrero 2026.

Binanggit din ng appeals chamber na sa kasong ito, “angkop na isagawa ang apela sa pamamagitan lamang ng nakasulat na mga pahayag.”