DAGUPAN CITY- Dinagsa ng daan-daang deboto ang St. John the Evangelist Cathedral sa huling araw ng Simbang Gabi, kung saan umabot hanggang sa labas ng simbahan ang dami ng mga nagsisimba.

Marami sa mga dumalo ang humabol sa mga iskedyul ng misa upang maisakatuparan ang kanilang panata na makumpleto ang siyam na araw ng Simbang Gabi bilang paghahanda sa Pasko.

Mayroong magkakasunod na misa sa katedral, na pinangunahan nina Fr. Manuel Bravo Jr. alas-sais ng gabi, Rev. Fr. Jerald Jimenez alas-siyete y medya ng gabi, at ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas alas-nuebe ng gabi.

--Ads--

Dahil sa dami ng dumalo, mahigpit ang ipinatupad na kaayusan upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga deboto.

Ayon kay Clemente Navarro, Head Marshall ng katedral, tutok ang kanilang grupo sa pag-aayos ng paradahan upang maiwasan ang pagsisikip sa loob ng compound.

Ipinaliwanag niya na ipinatutupad ang first-come, first-served na sistema at hinihikayat ang ilang parishioner na magparada sa labas kapag puno na ang parking area.

Aniya, may malinaw na koordinasyon ang mga marshal na nakatalaga sa iba’t ibang gate gamit ang radyo upang agad na maipabatid kung puno na ang loob at kailangang isara ang mga pasukan.

Dagdag pa ni Navarro, prayoridad ang kaligtasan lalo na kapag sumosobra na ang bilang ng mga sasakyan at tao sa loob ng lugar, kaya’t maaaring pansamantalang isara ang gate upang maiwasan ang aksidente.

Malaki rin ang naitulong ng presensya ng mas maraming pulis mula sa lokal na police district office upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa paligid ng katedral.

Hiniling niya ang pang-unawa ng publiko sakaling hindi na makapasok kapag puno na ang lugar, dahil ginagawa ito para sa kapakanan ng lahat.

Samantala, ayon kay Jhericho De Guzman Ubaldo, isang residente, mahalaga ang pagdalo nila sa Simbang Gabi bilang pagpapakita ng pasasalamat at paggalang sa Diyos.

Aniya, bagama’t may kulang sa kanilang pamilya, nananatili ang diwa ng pagkakaisa at pananampalataya sa kanilang pagdiriwang. Simple man ang kanilang paghahanda para sa Pasko, higit na mahalaga ang sama-samang pagsamba at pasasalamat.

Sa kabuuan, naging maayos at mapayapa ang pagsasagawa ng huling araw ng Simbang Gabi sa St. John the Evangelist Cathedral, na muling nagpatunay sa matibay na pananampalataya at aktibong pakikilahok ng mga residente sa mga gawaing panrelihiyon sa lungsod.