Dagupan City – Apat na lalaki ang naaresto sa magkahiwalay na anti-illegal drug buy-bust operations na isinagawa ng Dagupan City Police Office o DCPO noong Setyembre 11 at 12, 2026.
Ayon sa DCPO, unang isinagawa ang operasyon dakong alas-10:14 ng gabi noong Setyembre 11 sa pangunguna ng Police Station 1, katuwang ang City Police Drug Enforcement Unit, PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 1 at PDEA Regional Office 1.
Arestado ang dalawang lalaking edad 36 at 30, kapwa residente ng Dagupan City. Nakumpiska sa kanila ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman umano ng tinatayang 3.1 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 21,080 pesos, bukod sa marked at boodle money.
Kinabukasan, Setyembre 12, dakong alas-11:53 ng gabi, isa pang buy-bust operation ang isinagawa ng Police Station 4 kasama ang CPDEU, City Intelligence Unit at City Investigation and Detective Management Unit, sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 1. Naaresto naman ang dalawang lalaki na edad 34 at 33, kapwa residente ng Calasiao, Pangasinan.
Nakuha sa operasyon ang dalawang sachet na naglalaman umano ng tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na 34,000 pesos, isang itim na pouch, cellphone, motorsiklo, at marked at boodle money.
Isinagawa ang marking, inventory at photography ng mga nakumpiskang ebidensya alinsunod sa Section 21 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa presensya ng mga suspek at mga kinakailangang saksi, kabilang ang kinatawan ng Department of Justice at isang halal na opisyal ng pamahalaan.
Dinala ang mga suspek at ebidensya sa kani-kanilang police unit para sa dokumentasyon at laboratory examination.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 para sa pagsasampa sa korte habang nananatili sa kustodiya ng DCPO ang apat na suspek.










