DAGUPAN CITY- Timbog ang limang katao sa Mabini, Pangasinan matapos madiskubre ng mga kapulisan sa kanilang operasyon ang isang marijuana farm.
Isinagawa kahapon, Oktubre 14, ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) Pangasinan, katuwang ang Mabini Municipal Police Station, Pangasinan 1st Provincial Mobile Force Company, Regional Intelligence Division PRO1, PDEA Regional Office 1, at iba pang support units kabilang ang PIU Pangasinan PPO, PIT Pangasinan, RIU 1, RPDEU PRO1, PDEG SOU1, at Infanta MPS ang operasyon sa bulubunduking bahagi ng Barangay Villacorta.
Arestado ang apat na suspek habang na-rescue naman ang isang minor na nakitang inaasikaso ang mga halaman sa isang 300 square meter na lupain at naglalaman ng 206 marijuana seedlings.
Nagtangka pa umano ang isang suspek na maglabas ng isang baril habang ito ay inaaresto subalit, agad din itong napigilan ng mga operatiba.
Kumpiskado naman sa mga ito ang nasabing marijuana seedlings na may halagang katumbas ng P8,240.00, Isang (1) airsoft gun replica na ginawang Cal.22 rifle, Isang (1) 12-gauge shotgun, bala ng mga naturang baril, at mga kagamitan sa pagtatanim.
Nahaharap naman ang mga suspek sa paglabag sa Section 16, Article II ng R.A 9165 (Cultivation of Marijuana Plants), R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Direct Assault.
Habang ang minor naman ay dinala sa pangangalaga ng Women and Children Protection Desk (WCPD) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).