DAGUPAN CITY- Sugatan ang apat na indibidwal sa bayan ng Mangatarem dahil sa insidente ng pananaksak.
Ayon kay PLt. Enrico Gomapos, Deputy ng PNP Mangatarem, batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang insidente matapos umanong batuhin ang bahay ng suspek habang ang mga biktima ay nag-iinuman sa lugar.
Dahil dito, nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng suspek at ng mga biktima. Makalipas ang pagtatalo, umuwi ang suspek sa kanyang bahay, kumuha ng patalim, at muling bumalik sa lugar kung saan niya sinaksak ang apat na biktima.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya matapos makatanggap ng tawag hinggil sa insidente.
Matagumpay na naaresto ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.
Inihahanda na ang kaukulang kaso para sa suspek.
Ayon sa ulat, ang kalagayan ng apat na biktima ay nasa maayos na kondisyon at pawang outpatient na matapos mabigyan ng lunas sa ospital.
Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.
Nanawagan din ang kapulisan sa publiko na iwasan ang alitan at panatilihin ang kapayapaan sa komunidad.




