DAGUPAN CITY- Mas pinaigting ng Police Regional Office 1 (PRO1) ang pagbabantay at kampanya laban sa kriminalidad sa buong Rehiyon Uno, partikular sa lalawigan ng Pangasinan na itinuturing na mas lantad sa pagpasok ng mga masasamang elemento dahil sa lawak nito at dami ng mga exit at entry points.

Patuloy umanong minomonitor ng pulisya ang sitwasyon sa apat na lalawigan sa rehiyon upang matiyak na naipatutupad ang batas at nasusugpo ang mga ipinagbabawal na gawain.

Ayon kay PBGen Dindo Reyes, Regional Director ng PRO1, binibigyang-pansin ng pulisya ang Pangasinan at ang Dagupan City.

--Ads--

Aniya, malinaw ang direktiba sa lahat ng lalawigan at maging sa Dagupan City na imbestigahan ang lahat ng ilegal at ipinagbabawal na aktibidad.

Kaugnay nito, kasalukuyang sinusuri ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang kanilang organizational structure.

Kaya naman unti-unting nagbababa ang pamunuan ng kanilang mga tauhan, pati na ang mga kagamitan at resources tulad ng mga sasakyan at baril.

Samantala, nasa kamay naman ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City, ang usapin hinggil sa pagtatatag ng permanenteng kampo o field ng DCPO.

Patuloy pa umanong pinag-aaralan ang alokasyon ng lupa at ang mga kinakailangang proseso upang ito ay maitalaga bilang opisyal na lugar ng himpilan ng pulisya.

Tiniyak ng pamunuan ng PRO1 sa mga pulis sa rehiyon, lalo na sa Pangasinan, na magpapatuloy ang masinsinang kampanya laban sa kriminalidad, ilegal na droga, at iba pang gawaing nakapipinsala sa komunidad.

Bukas din ang pulisya sa publiko upang lapitan at handang tumulong sa anumang pangangailangan para sa kapakanan at seguridad ng mamamayan.