DAGUPAN, CITY— Ibinahagi ng apat na estudyante mula sa iba’t-ibang campus ng Philippine Science High School (PSHS) ang kanilang kasiyahan sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na pagkalooban ng scholarship grants ng iba’t ibang prestihiyosong unibersidad sa ibat ibang bansa.

Kabilang sa nakatanggap ng “full scholarship” sila si Edrian Paul Liao, na mula sa PSHS – Cagayan Valley campus, Nathan Wayne Ariston ng PSHS – Central Mindanao campus, Maria Charisma Estrella ng PSHS – Calabarzon campus, Dominic Navarro PSHS – Ilocos campus graduate.

Ayon kay Liao, na enrolled na sa private research institution na Duke University sa North Carolina, USA, bagaman noon pa nito alam ang resulta ng kanyang applikasyon, “overwhelmed” pa rin umano siya sa kanyang nakamit na karangalan. Pinapasalamatan din niya ang mga indibidwal na tumulong sa kanya upang makarating sa kanyang tagumpay.

Sa panig naman ni Estrella, na inaalukan ng dual degree program na BS Biology at BS Biomolecular Engineering sa New York University at nakatanggap din ng admission offer sa Yale University – National University of Singapore College, nagulat umano siya noong umpisa nang malaman ang naturang balita ngunit mas nakakataba umano sa kanyang puso na maraming mga tao ang nagpapaabot ng kanilang pagbati sa kaniyang naging achievement.

Saad naman ni Ariston, na bibigyan ng “full scholarship grant” sa prestihiyosong Ivy League school na Yale University, Georgia Institute of Technology, University of California – Irvine, at Nanyang Technological University sa Singapore, dahil umano sa kanyang pagpasa sa mga scholarship grants sa naturang mga unibersidad ay proud na proud ang kanyang mga magulang at mga kakilala sa kanyang tagumpay. Naramdam umano niya ang pagiging kamahal-mahal at espesyal dahil sa mga natatanggap niyang suporta mula sa mga ito.

Dagdag naman ni Navarro, na may tatlong natanggap na alok mula sa Jacobs University sa Germany na scholarship grant offer para sa kursong BS Mathematics, “Provost Scholarship” para sa kursong BS Actuarial Science sa Bentley University sa Amerika, at direct admission sa BBA Actuarial Science program ng Wisconsin School of Business ang alok ng University of Wisconsin-Madison, sobrang nasisiyahan umano siya sa mga natatanggap niyang mga pagbati mula sa mga tao na kasama nila sa tagumpay, maging ang maraming mga indibidwal sa social media na siyang pag-viral ng kanyang post ukol sa kanyang nakamit na “full scholarship” grant sa ibang bansa.

Ayon sa naging pahayag ng apat na mga estudyante, bagaman malaking karangalan ang kanilang nakamit sa pagkakaroon ng ganitong pagkakataon para sa kanilang pag-aaral, hindi nila titignan bilang isang pressure bagkus ay gagawin nila itong motibasyon para sa pagkamit ng kanilang pangarap at magsisilbing inspirasyon sa marami na kaya ng Pilipino na makipagsabayan sa larangan ng akademya saan mang panig ng mundo.

--Ads--