Dagupan City – Pagbebenta na Eco Bags mula sa Upcycled Materials, Isinusulong ng LGU Pozorrubio para sa kalikasan at kabuhayan

Isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Pozorrubio ang paggamit ng mga eco bag at grow pots na gawa sa mga upcycled materials bilang bahagi ng kampanya nito para sa pangangalaga ng kalikasan at wastong pamamahala ng solid waste.

Sa pangunguna ni Mayor Kelvin T. Chan at ni Arjay Garcia, Senior Environmental Management Specialist, hinihikayat ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang publiko na tangkilikin ang mga produktong likha ng Solid Waste Workers of Pozorrubio o SWWAP.

--Ads--

Tampok sa proyekto ang mga eco bag na may iba’t ibang hugis, kulay at disenyo. Mabibili ang bawat eco bag sa halagang ₱50.

Ayon sa LGU Pozorrubio, gagamitin ang mga malilikom mula sa pagbebenta upang masuportahan ang tuloy-tuloy na produksiyon ng mga upcycled materials at makatulong sa sahod ng mga manggagawang bumubuo sa mga produkto.

Makikita at mabibili ang mga eco bag sa Municipal Tourism and Information Desk sa unang palapag ng Municipal Executive Building at sa Pozorrubio DTI Negosyo Center.

Sa pamamagitan ng proyekto, layunin ng lokal na pamahalaan na mabawasan ang basura sa komunidad habang nabibigyan ng dagdag na kabuhayan at pagkakakitaan ang mga solid waste workers.

Hinihikayat naman ang mga residente na tangkilikin ang mga produktong gawa ng kanilang kapwa Pozorrubiohan at makiisa sa pagsusulong ng solid waste upcycling para sa mas malinis at makakalikasang komunidad.