Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng apat na armadong holdaper at miyembro ng akyat bahay gang matapos maaresto at masabat mula sa mga ito ang ilang kalibre ng baril, pampasabog at iligal na droga sa checkpoint ng barangay Zone 5 sa bayan ng Rosales, Pangasinan.

Ayon kay Rosales PNP chief P/Major Fernando Fernandez, nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na suspek na sina Gary Mayag-As na residente ng Umingan at Limuel Cabanilla, Gilbert Kibayan, Jeston Yatyaten na kapwa mga residente ng La Trinidad Benguet matapos na mabigong magpakita ang mga ito ng dokumento, IDs at wala ring lamang contacts at call history ang mga cellphone ng mga suspek.

Sa malalimang pagsisiyasat, nadiskubre ng kapulisan sa loob ng sasakyan ang iba’t ibang kalibre ng baril mula sa mga suspek na cal. 45 pistol at cal 38 revolver at mga bala ng nabanggit na baril, kagamitang pampasabog at apat na maliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,000.

--Ads--

Samantala, pinaniniwalaan ng Rosales PNP na ang apat na naarestong armadong holdaper ay isang grupo na posibleng nag ooperate sa bayan ng Rosales at iba pang bahagi ng ikaanim na distrito ng Pangasinan.

Sinabi ni Fernandez na batay sa records ng kanlang himpilan , natuklasan na mayroong ng dating kaso ng hold up noong taong 2019 at panloloob sa parehong bahay noong January 15, 2021 sa bayan ng Rosales.

Ang mga naarestong suspek na positibo namang kinilala ng kanilang nabiktima.

Ayon sa hepe, puntirya umano ng naturang grupo ang bayan ng Rosales at ika-anim na distrito ng probinsiya ng Pangasinan.

Inutusan na rin ni Pangasinan PNP Provincial Director Ronald Gayo ang hepe ng Rosales na makipag-coordinate sa Cordillera o kalapit na probinsiya o bayan, para makumpirma ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil sa tingin ng hepe na maaaring peke ang kanilang ginamit na pangalan.

Nahaharap ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 10591 o comprehensive firearms and ammunition regulation act at RA 9516 o illegal pessession of explosives, paglabag sa RA 9165 o comprehensive dangerous drugs act habang regular filing naman para sa mga kasong hold up at robbery.