Mga kabombo! Unang tanong nagtitipid ka ba?

Paano ba naman kasi, isang pambihirang tala ang naganap sa Canada.

Ayon sa ulat, nakakapanlumong umano ang tumambad sa landlord na si Jacques Nault nang buksan niya ang isa sa kanyang mga paupahang apartment sa Trois-Rivieres, Quebec.

--Ads--

Ito’y matapos na datnan ang buong kabahayan na nagmistulang isang “ice castle” matapos itong mabalot nang makapal na yelo.

Lumalabas pa umano na ang sahig ay natabunan ng halos 30 centimeters na yelo, habang ang mga pader, kisame, muwebles, at maging ang mga appliances ay naging mga “abstract ice sculptures”.

Ang sanhi nito ay ang maling diskarte ng tenant na nakatira roon.

Dahil sa taas ng bayarin sa kuryente at gas, naisipan ng umuupa na patayin nang tuluyan ang heating system ng apartment bago siya umalis para magbakasyon, sa pag-aakalang makakatipid siya sa bills.

Sa kasamaang palad, dahil sa matinding winter sa Quebec, bumagsak ang temperatura sa loob ng unit dahilan upang pumutok ang mga tubo ng tubig.

Ang tumagas na tubig ay tuluy-tuloy na nagyelo at nilamon ang buong unit.

Labis namang nanghinayang ang landlord dahil sa halip na makatipid, nauwi sa libu-libong dolyar na pinsala ang nangyari.

Sinabi niya na kailangang bakbakin ang buong unit, patuyuin, at itayong muli dahil sa panganib ng magkaroon ng molds o amag ang mga pader.