Mariing kinukondena ng ilang transport groups ang ipinatutupad na “Anti-Sardinas Policy” ng pamahalaan, na layong bawasan ang siksikan sa mga pampasaherong jeep at bus.

Ayon kay Mody Floranda – National President ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) hindi makatao ang panukalang ito dahil ipinapasa ng gobyerno ang sariling kakulangan sa kanila, sa halip na tugunan ang mas malawak na problema sa transportasyon.

Aniya sa ilalim ng panukala, mahaharap sa mabigat na multa ang sinumang driver na magsasakay ng pasaherong lampas sa itinakdang kapasidad.

--Ads--

Para sa mga grupo ng tsuper at operator, ito ay isang pahirap na hakbang, lalo pa’t hindi isinasaalang-alang ang kakulangan ng public transport at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Nanawagan naman ito sa gobyerno na payagan ang renewal ng prangkisa ng traditional jeepneys, upang makapagpatuloy ang kanilang serbisyo sa mamamayan habang hindi pa lubos na maayos ang sistema ng modernisasyon.

Hiling rin niya na ibalik sa limang taon ang validity ng mga prangkisa, upang magkaroon ng mas maayos at tuluy-tuloy na serbisyo sa publiko.

Para sa kanya ang tunay na solusyon ay hindi ang panandaliang regulasyon kundi pangmatagalang solusyon sa transportasyon.

Kabilang na rito ang pagpapalakas ng mass transit systems, subsidyo sa langis, at pagpapaigting ng imprastruktura.

Gayundin ang panawagan na tanggalin na ang VAT at excise tax sa langis, dahil ito’y dagdag pahirap sa mga tsuper, operator, at karaniwang mamamayan.