Nananatiling mahaba pa ang tatahaking proseso bago tuluyang maisabatas ang panukalang Anti-Political Dynasty Law, ayon kay Atty. Ona Caritos, Executive Director ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE).
Sa panayam, ipinaliwanag ni Caritos na bagama’t naipasa na ng Kamara de Representantes ang bersyon nito, hindi pa ito ganap na natatapos sa Senado dahil nasa ikalawang pagbasa pa lamang at hindi pa naihaharap sa plenaryo.
Ayon sa kanya, malaki pa rin ang pagkakaiba ng mga bersyon ng Kamara at Senado.
Dahil dito, kinakailangan pang dumaan sa bicameral conference committee upang mapagkasundo ang magkaibang probisyon ng dalawang kapulungan.
Isa sa mga pangunahing puna ng mga tagapagtaguyod ng reporma ay ang limitadong saklaw ng bersyon ng Kamara.
Ayon kay Caritos, may mga nagsasabing tila ginagawang legal lamang nito ang political dynasty dahil hindi nito ganap na nililimitahan ang impluwensiya ng mga makapangyarihang pamilya sa isang teritoryo.
Sa bersyon ng Senado, isang pambansa at isang lokal na posisyon lamang ang maaaring sabayang hawakan o takbuhan ng mga magkakamag-anak na saklaw ng pagbabawal.
Samantala, mas maluwag umano ang mga probisyon ng bersyon ng Kamara.
Gayunman, kinilala niyang malaking hakbang na rin ang pag-usad ng panukala matapos ang mahigit tatlong dekadang paghihintay para sa isang enabling law na magpapatupad sa probisyon ng Saligang Batas laban sa political dynasty.
Umaasa rin si Caritos na maipapasa ang batas sa tamang panahon upang magkaroon ng sapat na paghahanda ang Commission on Elections (Comelec), lalo na kung maagang isasagawa ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2028 National and Local Elections.










