Nananawagan ang isang civil society group na palakasin ang panukalang batas laban sa political dynasty habang nagpapatuloy ang deliberasyon nito sa Kongreso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Francis Kiko Aquino-Dee, co-convenor ng Anti-Dynasty Network, na may pagkakaiba ang mga bersyon ng Anti-Political Dynasty Bill na tinatalakay sa Senado at sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Aquino-Dee, mas mahigpit ang bersyon ng Senado kumpara sa bersyon ng Kamara, lalo na sa pagbabawal ng magkakamag-anak na sabay-sabay o sunod-sunod na paghawak ng mga posisyon sa pamahalaan.
Ipinaliwanag niya na sa bersyon ng Senado, ipinagbabawal ang pagkakaroon ng magkakamag-anak hanggang ikalawang antas ng relasyon sa mahahalagang posisyon sa loob ng isang lalawigan, tulad ng gobernador, alkalde at kinatawan ng distrito.
Kasama rin sa panukala ang pagbabawal sa tinatawag na “succession dynasty,” kung saan ang kamag-anak ng isang opisyal ang tatakbo upang pumalit sa kanyang posisyon matapos ang termino nito.
Mayroon ding mas malinaw na limitasyon sa party-list system at ilang pambansang posisyon upang maiwasan ang paglawak ng political dynasties.
Samantala, sinabi ni Aquino-Dee na mas limitado ang saklaw ng bersyon ng Kamara.
Ayon sa kanya, pangunahing ipinagbabawal lamang sa panukala ng Kamara ang pagkakaroon ng magkakapatid o magulang at anak na sabay na maging senador, gayundin ang ilang lokal na posisyon tulad ng gobernador at bise gobernador o alkalde at bise alkalde.
Gayunman, aniya, halos hindi apektado ng naturang bersyon ang mga miyembro ng House of Representatives, partikular ang mga district representative at party-list representatives.
Bagamat suportado ng kanilang grupo ang pagpasa ng anti-dynasty law, binigyang-diin ni Aquino-Dee na hindi ito ang tanging solusyon sa mga problema ng sistemang pampulitika sa bansa.
Nanawagan naman ito sa Kongreso na tiyaking mas magiging matibay ang pinal na bersyon ng panukalang batas, lalo na sa pagbabawal ng political dynasties sa magkakaugnay na posisyon sa lokal na pamahalaan.










