Dagupan City – Isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang Anti-Dengue Misting Operations sa iba’t ibang paaralan sa bayan ng Mangaldan.

Ito ay bilang paghahanda sa pagbabalik-eskwela matapos ang ilang linggong walang pasok at bilang proteksiyon sa mga mag-aaral at guro laban sa dengue at iba pang sakit na maaaring dulot ng lamok.

Alinsunod ito sa direktiba ni Mayor Bona Fe De Vera Parayno, pinangunahan ng Municipal Health Office (MHO) Sanitary Inspection Unit, sa mga paaralan sa Mangaldan Districts 1 at 2, kabilang ang ilang pribadong institusyon.

--Ads--

Layunin ng operasyon na mapuksa ang mga lamok na maaaring magdala ng dengue, lalo na sa mga paaralang naapektuhan ng matinding pag-ulan at pagbaha nitong mga nakaraang araw na dulot ng mga bagyong Luis at Maymay.

Matiyagang sinuyod ng health personnel ang mga paaralan upang maisagawa ang kinakailangang misting at makatulong na matiyak ang mas ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral at guro sa kanilang pagbabalik sa paaralan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, magpapatuloy ang Anti-Dengue Misting Operations sa iba pang mga paaralan.

Samantala, nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga administrador ng paaralan, mga magulang at mag-aaral na panatilihing malinis ang kapaligiran at alisin ang mga maaaring pamugaran o pag-ipunan ng tubig ng mga lamok.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga paaralan at komunidad, layunin ng naturang hakbang na mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral at buong pamayanan.