Ipinaliwanag ni Dagupan City Councilor Joey Tamayo ang Anti-Balaclava and Other Face Covering Ordinance na isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlungsod ng Dagupan.

Ayon kay Tamayo, ang panukalang ordinansa ay hiniling ng Dagupan City Police Office at dumaan na sa masusing pagdinig kasama ang ilang miyembro ng konseho.

Layunin ng ordinansa na mapalakas ang seguridad sa mga lansangan at pampublikong lugar. Kabilang sa panukala ang pag-aatas sa mga motorcycle rider—tricycle man o single motorcycle—na alisin ang takip sa mukha o helmet kapag bumaba na sila ng kanilang sasakyan at nasa mga pampublikong lugar.

--Ads--

Batay sa obserbasyon ng Philippine National Police o PNP, may mga gumagawa ng krimen na gumagamit ng panakip sa mukha upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan.

Naniniwala si Tamayo na makatutulong ang panukalang ordinansa upang mabawasan ang posibilidad ng krimen sa mga lansangan, common areas at iba pang pampublikong lugar.

Iginiit din ng konsehal na dapat alisin ang anumang face covering ng isang indibidwal kapag papasok sa isang establisyemento, partikular kung ito ay para mamili o magsagawa ng transaksiyon.

Samantala, nagpahayag din ng suporta si City Councilor Chito Samson sa Anti-Balaclava and Other Face Covering Ordinance, na aniya ay naglalayong itaguyod ang public safety, security at accountability sa lungsod.

Patuloy namang tinatalakay ng Sangguniang Panlungsod ang mga probisyon ng panukalang ordinansa bago ito isalang sa mga susunod na proseso para sa posibleng pagpapatibay.