Panahon na para ipakita ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kamay na bakal ng pamahalaan sa pagpapatupad ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act sa kabila ng nagpapatuloy at dumaraming bilang ng mga lumalabag dito.
Ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman, Federation of Free Farmers sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kapag nasawata ang hoarding, profiteering at iba pang uri ng economic sabotage act ay malaking tulong ito sa pagpapalakas ng lokal na produksiyon na may kaugnayan din sa pagpapababa sa presyo ng bigas.
Subalit sa kabila ng pagkakaroon ng batas hinggil dito ay maliwanag na wala paring aksiyon ang pamahalaan sa mga nahuhuli.
Dahil dito ay nanatiling mataas ang presyo ng bigas bunga ng nasasabotahe ang lokal na produksiyon.
Ani Montemayor kapag talagang seryoso ang pamahalaan sa pagsugpo ng krimen ukol dito ay dapat maparusahan na ang mga napatunayang lumabag sa batas.
Kapag hihigpitan ng administrasyon ang pagpapatupad nito ay mas maeenganyo ang mga magsasaka na palakasin ang domestic sector.
Samantala, ang ‘Benteng Bigas Meron na’ Program ng kasalukuyang administrasyon aniya ay magdudulot lamang ng pagkalugi sa gobyerno dahil ang mga ibinibentang bigas ay hindi naman nabibili ng gobyerno ng P20 bagkus ang actual cost nito ay P50.
Kaya’t kung handa din lang gumastos ang gobyerno ng ganito ay mainam na sa productivity enhancing program nalang sana ito inilaan para sa mga magsasaka.