DAGUPAN CITY- Hindi man nagwagi sa kakatapos na halalan si Animal Welfare Advocate Norman Marquez, hindi ito nawalan ng rason upang patuloy na ipaglaban ang kalagayan ng mga hayop.
Ayon kay Marquez, isang Animal Welfare Advocate ng League of Animal Welfare Organizations of the Philippines (LAW Org PH), naniwala siyang sapat ang kanyang tsansa sa Senado dahil sa lumalaking bilang ng mga pet owner sa bansa na isang trend na umano’y nagsimula pa noong kasagsagan ng pandemya.
Aniya na malakas ang laban ng kampanya, ngunit inamin rin niyang hindi naging sentro ng kanyang pangangampanya ang masa.
Mas pinili niyang umasa sa suporta ng mga pet owners na, ayon sa kanya, mas nakakaunawa sa halaga ng kanyang adbokasiya.
Batay sa kanyang obserbasyon sa mga survey noong 2024, tinatayang 90% ng bawat sektor o grupo ay may mga alagang hayop.
Bagamat may aktibong bahagi sa mga usaping may kinalaman sa animal welfare ang mga ito, iginiit niyang hindi pa rin ito sapat upang manalo sa isang pambansang posisyon gaya ng pagka-senador.
Ibinahagi rin ni Marquez ang ilang hamong kinaharap ng kanyang kandidatura, kabilang na ang kakulangan sa pondo at ang pagiging hindi pa kilala sa mas malawak na publiko.
Dagdag pa niya na hindi siya milyonaryo at hindi rin abogado, pero naniniwala siyang kaya niyang gumawa ng batas para sa kapakanan ng mga hayop.
Samantala, sa kabila ng pagkatalo, umaasa siyang mabibigyang-pansin ang mga panukalang batas para sa animal welfare na madalas ay hindi naaksyunan sa mababang kapulungan, mas mapapansin ito aniya sa Senado.