DAGUPAN CITY- Labis na apektado ang mga probinsya ng Thailand na malapit sa border nito sa Cambodia dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan ng dalawang bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rinse Bancal Galupo, Bombo Internationa News Correspondent sa Thailand, anim na probinsya ng kinaroroonang bansa ang naiipit umano sa pag-aagawan ng border.

Marami na aniya ang mga naitatalang nasawi, sugatan, at maging pinsala sa mga istraktura.

--Ads--

Sa probinsya ng Trat ay ginawa nang evacuation center ang mga paaralan para sa mga residente na apektado ng kaguluhan.

Bagaman nagkaroon na ng usaping pangkapayapaan subalit, hindi naman ito pinansin ng Cambodia dahil sa patuloy umano na pag-atake ng Thailand.

Ayon naman kay Galupo, nagsimula ang naturang kaguluhan noong nakaraang buwan nang hindi magustuhan ng mga katutubo ang leaked video ng suspended prime minister ng Thailand na si Paetongtarn Shinawatra at si Cambodian Senate President Hun Sen.

Samantala, nakikita naman ni Galupo na huhupa na rin ang kaguluhan dahil nakipag-usap na si US President Donald Trump sa lider ng Cambodia.

Subalit, hindi pa nakikita ang pagtigil ng mga putukan ng baril sa mga pwersa ng Thailand at Cambodia.