Nasakote ng tuluyan ang anim na katao mula sa iba’t-ibang munisipalidad dito sa lalawigan ng Pangasinan bunsod ng isinagawang anti illegal drug operation ng Pozorrubio Police Station.

Sa naging pahayag ni P/Maj. Zynon Paiking , COP ng nabanggit na himpilan, dahil sa maigting na ugnayan ng KASIMBAYANAN o hanay ng Kapulisan, Simbahan at Mamamayan ay agad na nadakip ang 6 na katao na naaktuhang nag rerepack ng mga pakete ng iligal na droga partikular na ng shabu gayundin ang pagbebenta nito kahapon lamang araw ng Martes July 18, sa brgy. Alipangpang.

Nakumpiska mula sa kanilang pangangalaga ang sampung pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 40,800 pesos, 6 na pakete ng hinihinalang marijuana, boodle money at isang 9mm na baril at mga bala.

--Ads--

Sa imbestigasyon ng Pozorrubio PNP, ang dalawa sa mga nasabing suspek ay residente ng Dagupan City, ang isa ay mula sa bayan ng Mangaldan at ang nalalabing 3 indibidwal ay residente sa Pozorrubio na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Saad ni Paiking, ang isa sa may ari ng bahay ay dati ng nakulong at nakalaya mula din sa parehong kaso. Samantalang ang mga naaresto mula sa lungsod ng Dagupan ay nasa kategorya ng street level individual at newly identified drug personality bilang user naman ang residente mula sa Mangaldan.

Sa interogasyon, mula sa lungsod ng Dagupan ang mga nakumpiskang iligal na droga at nataong dinala lang ng mga suspek ang mga ito sa Pozorrubio upang irepack sa mga maliliit na pakete at ibibenta sa mga parokyano.

Aminado si Paiking na kung titignan ang kanilang datos sa kasalukuyan pagdating sa mga naaarestong indibidwal mula sa mga ilegal na aktibidad partikular na ang pagbebenta at paggamit ng iligal na droga, tumaas ang bilang ng mga ito kumpara sa mga nakalipas na taon.

Bunsod ng pinaluwag na restriksyon sa probinsya, lumalaganap nanaman aniya ang mga ganitong aktibidad ngunit pagtitiyak naman ng kanilang himpilan na wala silang papanigan at tiyak na mapapanagot sa batas ang mga taong patuloy na gumagawa ng iligal.