DAGUPAN CITY – Arestado ang anim na drug personalities sa magkasunod na pagpapatupad ng search warrant ng magkasanib na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency RO I – Pangasinan Provincial Office at Dagupan City Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rechie Camacho, Provincial Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency, nababahala sila sa mga naririnig na mga sumbong at report patungkol sa mga nangyayaring illegal na aktibidad sa syudad.
Kung saan aniya ilang buwan nilang minanmanan ang mga ito dahil may previous reports sa kanilang opisina hanggang sa humantong sa pag-apply ng search warrant.
Dito nga ay nahuli ang 6 na indibidwal sa mismong bahay ng may-ari sa may Tondaligan, Bonuan Gueset sa nasabing syudad.
Lumalabas naman sa kanilang imbestigasyon na sa mismong bahay ng may-ari ginagamit ng mga parokyano nito ang nasabing droga kung saan napag-alaman din na galing pa ang iba sa kanila sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Bukod sa mga ito ay inaalam din kung sino-sino pa ang mga sangkot sa ilegal na droga upang mapanagot ang mga ito.
Sa ngayon ay pansamantalang nasa kanilang himpilan ang mga suspek at inaayos pa ang kaukulang mga papeles sa pagfile ng kaso.
Paalala naman nito sa publiko na magsilbi itong babala sa lahat at ibinahagi din niya na puspusan ang kanilang ginagawang kampanya laban sa ilegal na droga.