DAGUPAN CITY- Nakamit ng milyon-milyong Pilipino ang kanilang nagsama-samang hangarin matapos ang matagumpay at mapayapang People Power sa EDSA noong Pebrero 1986.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Francis Aquino-Dee, Executive Director ng Ninoy and Cory Aquino Foundation, ito ang naging simula sa mga mapayapang rebolusyon hanggang sa kasalukuyan kung saan hindi na kinakailangan ng mga armas o anumang dahas mapakinggan lamang ng gobyerno.

Aniya, lalong naging bukas ang gobyerno sa pagrespeto sa pantay na karapatan ng bawat isa matapos mapatalsik sa kapangyarihan si former President Ferdinand Marcos Sr.

--Ads--

Kaya sa muling pagsapit ng anibersaryo nito sa Pebrero 25 ay mahalaga ito na ipagdiwang upang alalahanin ang kahalagahan ng demokrasya at karapatan pantao sa bansa na ipinaglaban ng mga Pilipinong dumalo sa rebolusyon noon.

Pinapaalala rin nito ang tamang pagpili sa mga tatayong leader ng bansa upang hindi na maulit pa ang naranasan sa ilalim ng ‘diktatoryang pamamalakad’ ng Administrasyong Marcos Sr.

Aniya, bilang paggunita ay nagtakda sila ng mga aktibidad simula Pebrero 22 hanggang 25.

Kabilang na ang panimulang misa sa Pebrero 22. May palaro naman sa Pebrero 23 na kanilang tinatawag na “Nilarong Pinoy” bilang pag-call out na rin sa mga nakaupo at ipahayag ang kanilang saloobin.

Habang ang mismong araw ng anibersaryo ay magkakaroon ng comemoration sa People Power Monument na siyang papangunahan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP). Kasunod naman nito ang maikling programa para alalahanin ang talumpati ni former Pres. Cory Aquino sa pag-upo nito bilang pangulo ng bansa.