Negatibo na sa red tide toxin ang mga karagatan ng Anda at Bolinao, kasunod ng pinakahuling pagsusuri sa mga shellfish samples sa lugar.

Ayon kay Remely Lachica, Regional Director ng BFAR Region I, batay sa National Shellfish Bulletin No. 13 at lokal na advisory ng ahensya, opisyal nang inalis ang pagbabawal sa pag-aani, pagbebenta, pagbili, at pagkain ng shellfish mula sa dalawang bayan.

Dahil dito, maaari nang ligtas na kainin ng publiko ang mga shellfish at iba pang lamang-dagat na nagmumula sa Anda at Bolinao.

--Ads--

Ayon sa BFAR, ilang buwan ding naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa ipinatupad na red tide ban.

Nagsimula ang paglitaw ng red tide sa lugar noong Enero, pansamantalang bumuti ang sitwasyon noong Pebrero, ngunit muling tumaas ang antas ng toxin noong Marso. Sa pinakahuling pagsusuri na isinagawa sa pagtatapos ng Mayo, tuluyan nang naging negatibo sa paralytic shellfish poison (PSP) o red tide toxin ang mga sample mula sa Anda at Bolinao.

Dahil dito, inaasahang muling sisigla ang industriya ng shellfish sa dalawang bayan at makababalik sa normal ang operasyon ng mga mangingisda, fish vendors, at iba pang sektor na umaasa sa yamang-dagat.

Ipinaliwanag ng BFAR na likas na bahagi ng marine ecosystem ang mga organismong nagdudulot ng red tide. Gayunman, may mga environmental factors na nagpapabilis sa kanilang pagdami o “blooming.”

Ayon kay Lachica, kabilang sa mga pangunahing salik ang matinding init ng panahon, mataas na nutrient load sa tubig, at polusyon mula sa mga gawaing pantao.

Dagdag pa niya, mas madaling mangyari ang red tide blooms sa mga enclosed o semi-enclosed coastal waters tulad ng Anda at Bolinao kung saan limitado ang pagdaloy at pagpapalit ng tubig-dagat.

Nanawagan din ang BFAR sa mga mangingisda, aquaculture operators, at publiko na tumulong sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga katubigan upang maiwasan ang muling paglitaw ng red tide.

Kabilang sa mga rekomendasyon ng ahensya ang pagsunod sa good aquaculture practices, tamang stocking density sa fish cages, wastong paggamit ng feeds, at maayos na pamamahala ng mga pasilidad pangisdaan.

Para naman sa publiko, hinikayat ni Lachica ang lahat na iwasan ang pagtatapon ng basura sa mga ilog, estero, at karagatan.