Mariing kinondena ng grupong ANAKBAYAN Pangasinan ang serye ng nakakaalarmang insidente ng karahasan sa mga paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Sa isang panayam, ipinahayag ni Carlos Zapanta, miyembro ng ANAKBAYAN Pangasinan, ang pakikisa ng kanilang organisasyon sa mga pamilya at komunidad na naapektuhan ng mga naturang tradhedya. Ayon kay Zapanta, hindi dapat tingnan ang mga ito bilang mga hiwalay na insidente lamang, kundi bilang isang malinaw na hudyat ng lumalalang krisis sa edukasyon, kalusugang pangkaisipan, at kakulangan ng suporta para sa kabataan.
Mariing tinutulan ng grupo ang mga mungkahi na ituring ang mga video games bilang ugat ng karahasan, at sinabing ito lamang ay pagtuon ng sisi sa maling target na naglilihis lamang sa mga tunay na isyu. Binigyang-diin ni Zapanta na ang mga mas malalim na salik gaya ng kahirapan, bullying, pang-aabuso, at kawalan ng access sa mental health services ang dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan.
Kasabay nito, ipinahayag din ng ANAKBAYAN ang kanilang pagtutol sa panukalang pagpapababa ng edad ng criminal liability. Ayon kay Zapanta, ang pagpaparusa ay hindi ang pangunahing tugon upang maiwasan ang mga susunod na trahedya. Binanggit niya na mayroon nang umiiral na juvenile justice system na naglalayong panagutin ang mga menor de edad sa paraang nakatuon din sa kanilang pagbabago at pag-unlad.
Naniniwala ang grupo na ang maagang pagtukoy sa emosyonal at psychological na suliranin ng mga mag-aaral ay makakaiwas sa paglala ng karahasan.
Hindi rin umano sapat ang pagkakaroon lamang ng polisiya; kailangan ang epektibong pagpapatupad at proteksyon para sa mga biktima.
At higit na pakikipagtulungan sa pagitan ng paaralan, pamilya, at komunidad upang gabayan ang mga kabataan.
Binigyang-diin ni Zapanta na ang tunay na sukatan ng isang maayos na lipunan ay hindi ang bigat ng parusa, kundi ang kakayahan nitong magligtas at magbigay ng pag-asa sa susunod na henerasyon. Nananawagan ang grupo para sa isang maagap, patas, at transparent na imbestigasyon sa bawat insidente upang makamit ang tunay na hustisya.










