Matagumpay na nahuli ang isang 47 anyos na lalaki na itinuturing na Top 1 Most Wanted Person matapos itong maaresto ng San Carlos City Police sa pamamagitan ng manhunt operation dahil sa panggagahasa sa apat nitong anak.

Isinagawa ang nabanggit na operasyon sa pangunguna ni PLt./Col. Rollyfer Capoquian, Officer-In Charge ng San Carlos PNP kung saan matagumpay na nadakip ang suspek na kinilalang si Bonifacio Valerio, may asawa, high school graduate, walang trabaho, at residente ng Brgy. Bogaoan.

Mula sa ipinalabas na Warrant of Arrest mula sa sala ni Hon. Judge Jaime Dojillo, presiding Judge ng Branch 57, Regional Trial Court ng lungsod ng San Carlos ay napatawan ang suspek ng kasong 3 Counts of Acts of Lasciviousness na may piyansang nagkakahalaga ng 120,000 pesos at 6 Counts of Rape with No Recommended Bail Bond.

--Ads--

Sa ipinatawag na press conference na ginanap sa bayan ng Lingayen partikular na sa Agtarap Hall ng Pangasinan PPO, inilahad mismo ni Lt./Col. Capoquian na sariling mga anak ng suspek ang naging biktima sa pangyayari.

Paulit-ulit na pang gagahasa at pang momolestiya ang inabot ng 4 na babaeng anak ni Valerio mula sa kaniyang mga kamay.

7 taong gulang ang panganay na anak ng mag simula itong pagsamantalahan ng kaniyang sariling ama at hindi pa ito na kuntento, isinunod pa niya ang 3 nitong anak.

Dagdag pa ni Capoquian, base sa testimoniya ng isa sa mga biktima, palagi daw sinasabi sa kanila ng kanilang ama ang mga katagang “Bago kayo pakinabangan ng iba, dapat ako muna”.

Nabatid na sa ngayon ay 16 na taong gulang na ang pinaka batang biktima at noong nakaraang taon lamang ng huli itong galawin ng kaniyang sariling ama.

Ang dalawang biktima ay kasalukuyan ng naninirahan sa Manila kung saan may kaniya-kaniya na silang trabaho at pamilya.