DAGUPAN, CITY- Haharap sa kasong parricide ang suspek sa pananaksak sa kanyang sariling anak sa Barangay Bolosan lungsod ng San Carlos.

Ayon kay Police Major Rommel Sembrano, chief investigator ng San Carlos City Police Station, dala ng kalasingan at pagbabanta sa buhay ang pinagmulan ng suspek na kinilalang si Salvador De Guzman, 68 taong gulang sa kanyang pamamaslang sa biktima na si Sammy De Guzman, 38 anyos.

Napag-alaman kasing may matagal nang hindi pagkakaunawaan ang mag-amang nasangkot sa naturang krimen.

--Ads--

Aniya, batay sa salaysay ng suspek, lagi umanong inaaway ng biktima ang suspek tuwing nalalasing at sinisisi sa pagkamatay ng kanyang kapatid.

Katunayan umano, nang araw ng insidente, nang muling banggitin ng biktima ang kanyang plano laban sa kanyang ama, ay inunahan na lamang siya ng suspek.

Matapos magtamo ng ilang saksak sa kanyang katawan, isinugod pa ito sa malapit na ospital ngunit ideklara ring dead on arrival.

Nakuha sa crime scene ang kutsilyo sa bahay ng suspek at biktima.

Matapos ang insidente ay agad naman umanong sumuko ang suspek sa kapulisan.