DAGUPAN CITY — Binigyang-diin ng Alliance of Health Workers na bago maglabas ng pondo ang Kagawaran ng Kalusugan para sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) ay kinakailangan muna nitong maaprubahan ng mga kongresista bago ito ilabas ng departamento.

Ito ay may kaugnayan sa paglilinaw ng Kagawaran ng Kalusugan na walang kinalaman sa kanilang programang ayuda ang signature campaign para suportahan ang ‘Charter Change’.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Robert Mendoza, Presidente ng nasabing samahan, sinabi nito na kinakailangang may bitbit na Guarantee Letter na manggagaling sa kanilang mga opisina ang mga pasyente na nagnanais na makakuha ng ayuda sa ilalim ng naturang programa.

Aniya na hindi naman nila maitatanggi na mayroon silang mga nakikita na nagtutulak na maisakatuparan ang Charter Change sa pamamagitan ng signature campaign at paggamit ng mga programa ng Department of Health, at iba pang proyekto ng pamahalaan gaya ng TUPAD, at mga nanghihingi ng tulong sa mga may katungkulan sa pamamahagi ng mga ito.

Saad nito na labis nitong ikinalulungkot ang ganitong mga panlalamang sa publiko lalo na’t pera ng taumbayan ang nakasalalay kaya dapat na nakasaad sa inisyatiba na hindi binabayaran ang mga tao upang maiwasan ang anumang pananamantala.

Gayon na rin ang hindi mapagbigyan ang kahilingan ng mga kongresista na mapalawig nila ang kanilang posisyon sa tulong ng Charter Change at maging ang pagbubukas ng ekonomiya ng bansa sa mga dayuhan na hindi naman nagbibigay ng prayoridad sa interes ng mga manggagawa at ordinaryong mga Pilipino.

Kaugnay nito ay ipinapanawagan naman sila sa mga kinauukulan ng agarang hakbang upang maiwasang maulit ang katiwalian na nangyari sa sektor ng kalusugan noong panahon ng pandemya.