DAGUPAN, City- Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Alliance of Concerned Teachers o ACT Partylist hinggil sa ulat ng umano’y pagbili ng mamahaling cameras ng Department of Education (DepEd) noong 2021.
Ayon kay Act Partylist Representative France Castro, maliban sa isasagawang pagsisiyasat ng kagawaran ng edukasyon, ay kanila ring aalamin kung mayroon talagang mga valid na reports at ebidensya kaugnay dito.
Aniya, kung sakaling mapatunayan sa isasagawang imbestigasyon ang mga nasa likod ng pagbili ng overpriced camera ay nararapat na mapanagot ang mga ito.
Hiling din ni Castro na sana ay hindi pagtakpan at i-white wash ng DepEd ang naturang isyu lalo na at maliban sa bagong isyu na ito ay nauna nang nasangkot ang naturang ahensiya sa isyu ng overpriced at outdated laptops ng mga guro.
Matatandaang ibahagi ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general Renato Reyes ang FB post ng photographer na si Jhun Dantes na nagbahagi ng larawan ng Canon DSLR camera na umano’y binili ng DepEd na usap-usapan ngayon sa nasabing social media.