Dismayado at ikinalulungkot ng Representante ng Alliance of Concerned Teachers Partylist ang naging desisyon ng Quezon City prosecutor’s office na ibasura ang reklamong grave threat na isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Rep. France Castro, bagamat hindi pa sila nakakakuha ng opisyal na kopya ng nasabing kautusan, pakiramdam niya ay tila hindi nito nakamit ang hustisya mula sa ginawang pagbabanta ng dating pangulo sa kaniya.
Kung ang desisyon ay tila pagbibiro lamang, hindi aniya tama ito sa kaniyang pananaw dahil maraming naaapektuhan.
Mayroon namang pinag-uusapang remedyo ang kanilang volunteer counsels at pinag-aaralan pa aniya nila kung ano ang mga pwedeng gawin kaugnay sa naging desisyon ng prosecutor’s office.
Komento pa nito na tila nagiging abogado ni Duterte ang prosecutor dahil hindi man lang ikinonsidera ang kanilang iprenisintang dokumento maging ang mga nakaraang ginawa ng mga respondente ng dating pangulo sa mga dating pronouncements nito.
Aniya, kung ang katulad niyang elected official ay tila hindi na kinokonsidera at hindi pinakikinggan ng korte, paano pa kaya aniya ang mga maliliit nating kababayan na naghahangad ng hustisya.
Marahil ay magiging ehemplo ito upang panghinaan ng loob ang sambayanang Pilipino sa justice system ng Pilipinas ngunit siniguro naman nito na patuloy pa rin nila itong ipaglalaban.