Dagupan City – Binigyang diin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) ang katangian na dapat taglayin ng bagong mailoloklok na DepEd Secretary sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay ACT-Teachers Rep. France Castro, kung pag-uusapan ang kwalipikasyon ng isang DepEd Secretary ay wala itong mai-rerekomenda ngunit may mga basic qualifications na dapat ikonsidera.
Isa na nga rito ay ang walang bahid dapat ng corruption at hindi corrupt, dapat may alam sa kalagayan ng mga studyante, at may bitbit na solusyon sa kasalukuyang suliranin ng kagawaan ng edukasyon.
Samantala, ikinatuwa naman ito na batas na naglalayong gawing libre ang college entrance examination sa mga pribadong higher education institutions (HEIs) para sa mga kuwalipikadong estudyante matapos itong mag-“lapse into law,” ayon sa Malacañang.
Kung saan ay naglalayong pagaanin ang tertiary education sa mga kapuspalad na sumailalim sa mga kinakailangang requirements gaya na lamang ng natural-born Filipino citizen, mula sa top 10% ng graduating class, at mula sila sa pamilya na walang kakayahang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa ilalim ng bagong batas, ang lahat ng private Higher Education Institutions ay inaatasang huwag maningil ng naturang fees at charges na ipinatutupad sa graduates at graduating student na nag-aaplay para sa college admission.
Kaugnay nito, ipinaabot naman niya ang magandang balita na pinirmahan na ni Pangulong Marcos ang RA 11997 o Kabalikat sa Pagtuturo Act na may layuning magbigay ng ₱10,000 sa pampublikong paaralan upang hindi na sila mag-abuno.