Ikinalungkot ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang panibagong banta sa seguridad sa isang paaralan matapos ang pagkansela ng klase sa University of Negros Occidental–Recoletos (UNO-R) matapos matagpuan ang isang bala ng baril sa loob ng Senior High School building ng unibersidad.
Ayon kay Ruby Bernardo, National Chairperson ng ACT Philippines, nakababahala ang ganitong insidente dahil ipinapakita nito na lumalaki ang takot at pangamba sa mga paaralan tuwing may naitatalang banta sa seguridad, gaya ng pagkakatagpo ng bala.
Dahil dito, nanawagan si Bernardo sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng agarang interbensyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan.
Muli rin niyang iginiit ang pangangailangang paigtingin ang mga mental health programs at dagdagan ang mga security personnel sa mga paaralan upang mas mapalakas ang proteksyon sa mga estudyante.
Samantala, sinabi ni Bernardo na hindi sila tutol sa mga simulation exercises na iminungkahi ni Education Secretary Sonny Angara bilang bahagi ng paghahanda sa mga posibleng insidente ng karahasan sa paaralan.
Gayunman, iginiit niya na kailangan pa rin ang pangmatagalang solusyon upang matugunan ang ugat ng problema. Nais din ng grupo na pag-aralan ang mga insidente sa Estados Unidos kung saan ilang pag-aaral ang megapolitan maaaring makaranas ng trauma o anxiety ang ilang bata matapos sumailalim sa mga ganitong uri ng simulation exercises.










