DAGUPAN CITY- Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad ang insidente na isang alleged bomb threat sa loob ng isang pasilidad sa isang paaralan sa lungsod ng Alaminos.

Ito ay matapos na mabulabog ang klase ng mga estudyante mula sa Alaminos City National High school dahil sa natanggap na mensahe noong nakaraangg araw.

Ayon kay Police Executive Master Sergeant Gerald Mamanta, Chief Investigator ng Alaminos PNP, na agad silang nagsagawa ng imbestigasyon at paneling kasama ang Alaminos Explosive and Operations Division at City Disaster Risk Reduction and Management Office kaugnay dito.

--Ads--

Nagresulta naman ito sa negatibo at walang nakita na anumang bomba o pampasabog sa loob ng paaralan.

Batay sa kanilang nakalap na impormasyon na natanggap ito ng isang grade 9 teacher na mayroon umanong bomba sa loob ng paaralan at nang busisiin nila ang nagpadala ng mensahe ay nanggaling din ito sa isang grade 9 student.

Samantala, agad naman na pinauwi ang mga estudyante para sa kanilang kaligtasan at ipinapatupad ang online classes.

Sa ngayon ay patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon kung saan nanggaling ang mensahe at sino ang source nito.

Mahigpit ang pag-papaalala ng mga otoridad na may karampatang parusa ang sinumang mahuhuling gumagawa nito.