Dagupan City – Inilahad ni Mayor Pedro “Pete” Merrera III na kasalukuyang sinusuri ng pamahalaang bayan ang lahat ng umiiral at isinasagawang proyekto sa Binmaley, kabilang ang konstruksyon ng Curambong Bridge, upang matiyak na hindi ito nagdudulot ng negatibong epekto sa komunidad.

Ayon sa alkalde, napansin ang pag-apaw ng tubig sa naturang tulay, dahilan upang agad siyang magpadala ng liham sa district engineer para matugunan ang sitwasyon.

Isa sa mga tinututukan ay ang posibilidad ng mga sagabal sa maayos na daloy ng tubig mula sa ilog at pabalik dito, na maaaring nagiging sanhi ng pagbaha o hindi normal na agos ng tubig sa lugar.

--Ads--

Binigyang-diin din ng punong bayan na may epekto ang naturang suliranin sa sektor ng pangisdaan ng bayan, lalo na kung naaantala ang natural na pagdaloy ng tubig na mahalaga sa kabuhayan ng mga mangingisda.

Dahil dito, hinihiling ng lokal na pamahalaan ang agarang aksyon at masusing pag-aaral mula sa tanggapan ng district engineer upang matukoy ang iba pang posibleng pamamaraan o solusyon na makakaiwas sa pagbara o obstruction sa daluyan ng tubig.

Patuloy umanong babantayan ng pamahalaang bayan ang proyekto at iba pang imprastraktura upang matiyak na ang mga ito ay ligtas, maayos ang implementasyon, at hindi magdudulot ng pangmatagalang problema sa kapaligiran at kabuhayan ng mga residente ng Binmaley.