Dagupan City – Nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Belen Fernandez sa lahat ng nakiisa sa opisyal na pagbubukas ng Balay Silangan Reformation Center sa Dagupan City kahapon.

Partikular nitong pinasalamatan ang Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1, hanay ng kapulisan, at ang Department of the Interior and Local Government dahil sa buong suportang ipinakita ng mga ito, na maging matagumpay ang paglulunsad ng nasabing proyekto.

Nangako naman si Mayor Belen na hindi lamang mahihinto sa balay silangan ang kanilang isinusulong, bagkos ay susuportahan pa rin sila ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iba’t ibang programang laan tulad ng; livelihood assistance na makatutulong sa kanila at pati na rin sa kanilang mga pamilya sa panahon ng pamamalagi sa reformation center hanggang sa maging fully recovered na ang mga ito.

--Ads--


Samantala, ayon naman kay Joel Plaza, Regional Director III ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1, ang pagtatayo ng Balay Silangan sa syudad ang ika-48 na proyektong naipatupad sa buong rehiyon uno, habang ika-12 naman ito sa lalawigan ng Pangasinan.

Aniya, nais ng kanilang departamento na bawat munisipalidad sana ay magkaroon ng reformation centers, ngunit dahil may kaniya kanyang prayoridad ang mga lokal na pamahalaan, ipinapaalala na lamang nila sa mga opisyal ang kahalagahan ng proyekto.