Naka-home quarantine na rin ngayon si San Fabian Mayor Constanti Agbayani, ilang kaanak at ang kaniyang mga staff matapos sumangguni at humingi ng tulong doon ang mga magulang ng biktima na nasawi matapos magpositibo sa Covid- 19 na kinokonsidera ngayong Person Under Monitoring na rin dahil may close contact ito sa nasawing anak.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMAJ. Francisco Castillo, hepe ng San Fabian PNP, isinasagawa na ngayon ang contact tracing ng kanilang Municipal Health Office sa mga nakasalamuha ng biktima.
Sa ngayon ay nasa 80 percent na ito at nagpapatuloy pa rin ang pagtunton upang makilala ang lahat ng mga posibleng nakasalamuha ng biktima bago ito malamang positibo sa naturang virus mula sa Brgy Inmalog Norte.
Nabatid na March 22, araw ng Linggo isinugod pa sa La Union Medical Center ang pasyente ngunit pagsapit ng March 26, agad din itong binawian ng buhay.
Inakala ng pamilya ng pasyente na dulot ng dengue ang kaniyang ikinamatay dahil ito din ang unang idineklara ng ospital na pinagdalhan sa kaniya. Makalipas ang ilang araw, dumating ang karagdagang resulta at mula sa kumpirmasyon ng PHO, positibo sa Covid-19 ang naturang bata.
Napag-alaman na mayroong dalawang tiyuhin ang biktima na galing sa Nueva Vizcaya at Manila. Bagamat walang sakit ang mga ito, salaysay naman ng isa sa kanila na sila’y dumalo sa isang lamayan sa Manila na kung saan, positibo din sa Covid-19 ang namatay.