Nagbigay ng pahayag si Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario upang linawin ang isyu tungkol sa reklamo na umano’y kawalan sa plano ng paglalagay ng Sewage Treatment Plant (STP) sa ipinapatayong One Manaoag Public Market.
Tiniyak niya na hindi ikokompromiso ang kalusugan at kaligtasan ng publiko sa pagsasagawa ng kanilang bagong palengke dahil sumusunod naman sila sa mga regulasyon.
Binanggit ng alkalde na sa halip kasi na STP naglagay na sila sa plano ng hygienic septic tank na pasok din sa compliance sa Republic Act 9275 (Clean Water Act) at Presidential Decree 856 (Sanitation Code).
Dagdag ng alkalde, ang DENR ang may awtoridad na mag-assess kung kinakailangan ang STP sa kanilang palengke, ngunit may mga alternatibo kung hindi naabot ang pamantayan sa bilang ng stalls na naglalabas ng wastewater gaya sa wet section .
Dahil hindi naman lumalagpas sa 212 stalls na magpro-produce ng wastewater, at nasa humigit kumulang 100 stalls lamang ang gagamit ng sistema dahil ang iba ay solid waste, mas cost-effective ang hygienic septic tank para sa kanilang palengke.
Saad niya na malaki din ang mababawas sa waste water na ginagamit ang naging paglipat ng slaughter house na dati nasa palengke ngayon ay nasa parte na ng Barangay Cabanbanan na dinadala ng malinis ang mga karne ibebenta sa palengke.
Samantala, Tiniyak naman ng opisyal na nakakasunod sila at hindi lumalabag sa lahat ng kondisyon na nakasaad sa kanilang Environmental Compliance Certificate (ECC) bago pa man matapos at magbukas ang palengke.










