BOMBO DAGUPAN – Sinampal umano ni Urdaneta Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno III, ang Cameraman ng Provincial Information and Media Relation Office (PIMRO) ng Pangasinan matapos maisilbi ang preventive suspension order sa kanya.
Batay sa spot report ng Pangasinan PPO, kaninang umaga ng lunes, Agosto 12, 2024, isinilbi ang preventive suspension sa mismong opisina ng City Mayor sa Old City Hall, Brgy. Poblacion, Urdaneta City, Pangasinan.
Pinangunahan ni Atty. Ronn Dale Beltran Castillo, ang Executive Assistant of the Provincial Governor na kasama ang biktima na si Jairus Bien Sibayan, 28 anyos, cameraman ng PIMRO, at mga kapulisan ng Urdaneta CPS para i-assist at ibigay ang preventive suspension order ng alkalde.
Nairita umano si Mayor Parayno dahil sa patuloy na pagkuha nito ng video at bigla na lang sinampal sa mukha ang biktima na nagkaroon ng dugo sa mata nito.
Kaugnay nito ay kinuha pa ng alkalde ang camera at inalis ang SD card nito.
Agad namang dinala sa Urdaneta District Hospital ang cameraman para sa medico legal.
Samantala, patuloy na kinukuhanan ng pahayag ang alkalde ng Urdaneta City hinggil sa insidente.