Dagupan City – Sinuportahan ni Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil ang kamakailang panawagan ng Pangulo na iwasan ang mga magarbong handaan sa lahat ng ahensya ng pamahalaan ngayong nalalapit na Pasko.

Nauugnay ito sa sunod-sunod na bagyong naranasan ng bansa na nagdulot ng malaking pinsala sa imprastraktura, agrikultura, kabuhayan, at maging sa buhay ng ilang mamamayan.

Nais kasi ng Palasyo na ang matitipid sa mas simpleng pagdiriwang ay i-donate sa mga naapektuhan ng kalamidad.

--Ads--

Naniniwala sila na ang tunay na diwa ng Pasko ay ang pagmamahal, pagbibigayan, at pagdadala ng kagalakan.

Para sa alkalde, nakasalalay sa mga namumuno kung paano nila ipagdiriwang ang Pasko. Ikinatuwa niya ang panawagan ng Pangulo dahil sa malaking pinsalang dulot ng mga bagyo, lalo na sa Pangasinan kung saan anim na bagyo ang tumama dito.

Bagamat hindi gaanong kalaki ang pinsala dahil sa proteksyon ng Sierra Madre Mountain sa lalawigan ng Pangasinan ay may mga residente pa ring nangangailangan ng pinansiyal na tulong para makabangon.

Panawagan si Bataoil na maging bukas ang isipan sa pagtulong sa kapwa at turuan ang mga kabataan na ito ang tamang panahon para tumulong sa mga nasalanta ng bagyo. (Oliver Dacumos)